I may not be a good friend, but i will never be a bad son to my mom

we will never know when a good friend turns into a deceitful asshole

Tuesday, June 29, 2010

LIPAD NG PANGARAP (Talambuhay ni Renon Angelo V. Sobreviñas)


Lipad ng Pangarap
(Ang Talambuhay ni Renon Angelo V. Sobreviñas)


Ang kauna- unahan kong pag- iyak sa tanang buhay ko ay naganap noong ika- 22 ng Hunyo, 1991 sa isang apartment sa Bambang, Pasig City. Ang dahilan ng aking pag- iyak ay marahil nadama ko na, na ako’y isa sa apat na bunga ng bawal na pagmamahalan nina Regino Sobreviñas at Nona Villanueva. Marahil din naman na ang mga luhang iyon ay luha ng kaligayahan dahil sa pagkakaroon ko ng mga kapatid na sina Cristina, Allan Richard at Emma Kris.
May dahilan ang Diyos kung bakit sila ang naging pamilya ko. Hindi naman tayo ang namimili ng ating magiging pamilya; sila ay regalo ng May Kapal para sa atin, gayundin naman tayo para sa kanila.
Naging masaya ang aking buhay- bata kasama ang buo kong pamilya. Palagi kaming sama- sama tuwing magsisimba, mamamasyal sa zoo at mall at kung mayroong mga importanteng okasyon. Masagana ang pamumuhay namin noon. Walang araw na walang laman ang aming refrigerator at hindi kami nauubusan ng grocery stock sa bahay. Nakapag- aral pa nga ako noon sa isang private school. Nag- aral ako ng aking kinder sa St. Nicholas Academy. Doon ako natuto ng maraming mga awiting pambata. Doon ko rin nakilala ang mga bago kong kalaro’t mga kaibigan..
Ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa Bambang Elementary School ngunit hanggang Grade 1 lamang ako doon. Kinakailangan kasi naming umuwi sa Iloilo. Hindi pa noon maliwanag sa akin ang dahilan ng aming pag- uwi. Hindi ko pa noon alam kung bakit hindi sumama sa amin si Daddy.
Sa Bo. Obrero, Iloilo City ko nakilala ang aking mga pinsan, mga tiyahin at mga tiyuhin at iba ko pang mga kamag- anak. Nung una, naging mahirap sa akin ang pakikibagay sa kanila dahil iba ang ginagamit nilang wika sa ginagamit ko at medyo nahirapan pa ako noon umintindi ng Hiligaynon. Pero dahil na rin sa tulong nila ay unti- unti ko nang napag- aralan ang Hiligaynon.

Ipinagpatuloy ko ang aking pag- aaral sa Bo. Obrero Elementary School mula Grade 2 hanggang Grade 6. Masaya ang aking buhay estudyante noon. Tila wala akong pakialam sa mundo, ang nasa isip ko lang ay puro pag- aral o paglalaro o di kaya naman ay pagsali sa iba’t ibang patimpalak.. Ang kauna- unahan kong pagsali sa isang patimpalak ay nangyari nang Grade IV ako. Sumali ako sa Singing Contest sa aming Literary- Musical Contest at nanalo naman ako ng Unang Patimpalak at dinala pa ako sa District Level ng Singing Contest na iyon. At mula Grade IV hanggang Grade VI, ako na ang laging dinadala sa kumpetisyon. Sumali rin ako sa Rhythm Band. Naging lyre player din ako mula Grade V hanggang Grade VI. Sumali rin ako sa iba’t ibang quiz bee. Nagkamit pa ako ng Unang Patimpalak sa District Level ng Science Quiz Bee. At nagtapos ako ng elementarya bilang Second Honorable Mention. Pero higit pa sa mga medalya ang nakuha kong pagtanggap sa akin ng aking mga kaibigan.
Nagpatuloy ako sa pagsusunog ng kilay sa Bo. Obrero National High School na dati’y Jalandoni Memorial High School- Bo. Obrero Extension. Noon, ang aking plano ay mag- aral sana sa West Visayas State University- ILS ngunit sa kasamaang palad ay hindi ako nakapasa sa kanilang Entrance Examination kung kaya pinangako ko sa aking sarili na balang araw ay makakapag- aral din ako sa pamantasang iyon.
High School na ako noon nang lubusan kong maintindihan ang paghihiwalay ng aking mga magulang. Ikalimang asawa na pala ni Daddy si Mommy at ikalabing dalawang anak na pala ako ni Daddy. Naging mahirap ang aming buhay kahit pa sabihin natin na isang Engineer ang aking ama. Sa dami ba naman ng kanyang anak, siguradong kaming mga anak niya ang kawawa.
Hindi naging madali ang buhay namin. Mas naramdaman ko ang hirap nung high school na ako. Naranasan kong pumunta sa paaralan na walang laman ang aking tiyan at bulsa. Naranasan naming kumain ng lugaw na kanin ng ilang araw. Tandang- tanda ko pa, muntikan na akong hindi makakuha ng aming pagsusulit dahil hindi ko pa nababayaran ang aking tuition fees. Pero hawak- kamay kami ng aking ina na humarap sa lahat ng pagsubok na iyon. Kasama ng aking mga kapatid, sabay naming hinarap ang mga unos sa buhay. Dahil sa aking mga naranasan, mas nakilala ko ang mga tunay kong kaibigan na hindi ako iniwan sa gitna ng mga pagsubok. Naging mas magaan ang aking mga problema dahil sa kanilang suporta. Nariyan din ang aking mga guro na nakinig at umintindi sa aming sitwasyon ng mga panahaon yaon.
Biglang naghirap ang buhay namin nang magdesisyon ang dalawa kong nakakatandang kapatid na sina Allan at Cristina na bumuo ng sariling pamilya. Nung una ay nagtanim ako ng galit sa kanila. Pakiramdam ko noon ay gusto nilang takasan ang aming mga problema sa buhay. Nainis ako sa kanila. Nagalit. Halos kasuklaman ko silang dalawa. Pero nariyan ang aking mga kaibigan at ang aking ina na nagpatatag ng aking kalooban. At hindi naglaon ay unti- unti ko rin silang natutunang patawarin.
Sa kabila ng mga pagsubok ko sa buhay, masasabi ko na marami pa rin ang magagandang nangyari sa akin. Nakapunta ako ng Baguio City para sa isang entrepreneurship seminar. Pinadala rin ako noon ng aming paaralan sa Roxas City para sa isang leadership seminar. Nagkamit din ako ng maraming patimpalak sa mga sinalihan kong paligsahan sa Matematika, Filipino, Agham, mga Singing Contest, atbp. Naging aktibong student leader din ako mula First Year hanggang Fourth Year. Naging Supreme Student Gov’t President pa ako noong Fourth Year. Dahil rin sa aking sipag, tiyaga at dedikasyong makaahon kami sa kahirapan, nagtapos ako bilang Valedictorian at naging President Gloria Macapagal Arroyo Outstanding Student Recipient rin ako. At inalay ko ang lahat ng aking mga paghihirap sa Panginoon, sa aking pamilya, sa mga kaibigan at sa lahat ng taong nasa likod ng aking tagumapay. Sila ang pinaghuhugutan ko ng lakas sa buhay.
Tulad ng aking ipinangako noon, ipinagpatuloy ko ang aking pag- aaral sa West Visayas State University at kumuha ako ng Bachelor in Secondary Education. Ngunit hindi naging madali ang lahat dahil dumaan ako sa butas ng karayom bago ako nakapasok sa WVSU.
Ngayon, mas tumindi pa ang aking obligasyon sa paaralan at sa aking pamilya. Nasubukan ko nang magtrabaho sa isang call center habang ako’y nag- aaral. Hindi naging madali ang karanasan kong iyon. Pero nagawa ko iyon para lang may maipangbayad ako sa mga school projects at iba ko pang pangangailangan. Tumanggap ako nang mga tutorials, nagturo rin ako ng mga stage plays, declamation at oration, nagtinda ako ng bukayo sa loob ng aming classroom, nagtinda rin ako ng load, nasubukan ko ring magtrabaho sa isang bakery shop para lang magkaroon ako ng pera para sa aking pamilya’t pag- aaral. Lahat kinaya at kakayanin ko para sa aking pamilya. Pinangako ko sa sarili ko, tutuparin ko ang lahat ng aking mga pangarap para sa aking pamilya. At pinangako ko na kahit anumang hirap ng buhay ay pipiliin ko pa ring maging masaya dahil pinaniniwalaan ko na ang tao ay malayang pumili ng kaniyang kaligayahan sa buhay.
Ito ang ilang kabanata ng aking buhay, ngunit hindi pa dito nagtatapos ang aking kwento dahil ito’y ipagpapatuloy ko pa hanggang sa susunod na kabanata.

***

No comments:

Post a Comment