I may not be a good friend, but i will never be a bad son to my mom
we will never know when a good friend turns into a deceitful asshole
Tuesday, June 29, 2010
Sa Aking Muling Pagbabalik
Ni Renon Angelo V. Sobreviñas
Biglang buhos ang malakas na ulan. Wala akong ginawa kundi ang humanap ng masisilungan. Basang- basa at nanginginig akong nagtanong sa sarili kung kalian hihinto ang napakalakas na ulang ito.
Kasabay nang pagbuhos ng ulan ay ang pagdaloy ng mga luha sa aking mga mata. Sila’y mga luha nang pagsisisi. Narito ako ngayon pagkatapos kong maligaw ng landas. Hindi ko alam kung saan ako patutungo. Hindi ko alam kung sino at ano ang aking babalikan. Hindi ko alam kung may liwanag pa kaya akong masisilyan pagkatapos nitong ulan.
Basang- basa ako ng ulan. Nakaupo sa tabi ng mga halamang uhaw sa ulan. Maraming gumugulo sa aking isipan. Marami akong tanong na pilit kong hinahanapan ng kasagutan mula sa ulan. Hindi ko alam kung sino ang aking sisisihin sa nangyari sa akin. Ang tahana’t paaralan ko bang pabaya o ang simbahan at lipunan kong mapanghusga?
Minsan na akong natukso sa mapampalangong kamunduhang ito. Minsan ko nang sinira ang aking buhay kasama ang aking mga barkada. Minsan na akong nalulong sa masamang bisyo tulad ng paninigarilyo, pag- inom ng alak at higit sa lahat ay ang paggamit ng mga pinagbabawal na droga. Minsan na rin akong nabuyo sa pakikipagtalik kahit kanino.
Inakala ko kasi noon na doon ko makikita’t mararamdaman ang pagtanggap na hinahanap ko sa aking pamilya’t lipunan. Inakala kong doon ako magiging masaya. Inakalang kong doon ang buhay ko. Inakala kong iyon ang sarili ko. Ngunit nagkamali ako tulad rin nang pagkakamali ng kahit na sino.
Ngunit gaya rin ng halamang katabi ko, kulang ang sikat ng araw upang mabuhay. Kailangan pa nito ng hangin, tubig at lupang makakapitan. Kaya narito ako ngayon sa gitna ng ulan, hinahanap kung ano o sino ang kulang sa aking buhay. At pilit kong hinahanapan kahit tuldok man lang ng liwanag ang madilim kong buhay.
Pilit ko ngayong binabagtas ang daan tungo sa bisig ng aking ina, sa yapos ng aking ama at sa halik ng aking mga kapatid. Hindi ko alintana ang malakas na buhos ng ulan dahil alam ko sa aking sarili na hindi magtatagal ay hihinto rin ito. Kung kalian man ito hihinto, hindi ako nakakasiguro. Tulad nang hindi ko pagkasiguro kung hanggang kalian ang buhay ko dito sa mundong ito. Kaya bago maging huli pa ang lahat, ako’y magbabalik sa tahanang aking minsang pinagtaksilan upang humingi nang kapatawaran.
Ngunit sa di kalayuan, may nakita akong isang liwanag. Napakatahimik ng pook. Pagpasok ko’y maraming tao ang taimtim na nagdarasal sa isang sulok. Humihingi marahil nang kapatawaran at nangangakong magbabagong buhay. Huli na nang namalayan kong nasa loob na pala ako ng simbahan. At dito ko nakita at muling nakilala ang aking sarili. Sa Panginoon ko muling nakita ang katahimikan ng aking puso’t isipan. At dito sa Kanya akong muling magbabalik.
Umaga na at tapos na ang napakalakas na buhos ng ulan. At muli ay nakakita ako ng isang umagang kay ganda at muli ay ipinagpatuloy ko ang aking paglakad tungo sa aking tahanan na alam kong naghihintay sa aking pagbabalik.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment